Nagpapatuloy ang follow up investigation ng mga kapulisan ng lunsod ng Cauayan kaugnay sa insidente ng panloloob kahapon, September 5, 2021 sa isang pawnshop kung saan nalimas ang nasa mahigit isang daang libong piso, mga alahas at cellphone.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLt. Scarlet Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, sinabi niya na batay sa ginawang pag-aaral sa kuhang CCTV footage at pakikipag-ugnayan sa tatlong appraiser ay mayroon nang person of interest na tinitingnan ang kapulisan na posibleng nasa likod ng naturang krimen.
Ayon sa kaniya, may mga napansin at mga nadiskubreng palatandaan ang mga imbestigador bagaman hindi na ito isiniwalat pa ni PLt. Topinio para hindi mabalang ang kanilang imbestigasyon.
Hindi pa rin inaalis aniya ang posibilidad na may nangyaring inside job sa krimen. Nangangalap na rin umano ang mga imbestigador ng CCTV footage na maaaring nakakuha sa suspek sa labas ng pawnshop.
Samantala, ayon pa kay PLt. Topinio, hindi naman nagkukulang ang kapulisan sa kanilang effort may kaugnayan sa police visibility bagaman inihayag niya na patuloy nilang paiigtingin pa ang pagpapatrolya ng kapulisan sa kalunsuran.
Nagpaalala naman siya sa mga may-ari ng mga establishimento o money remittance center at pawnshop na dagdagan ang security measures at magkaroon ng briefing sa kanilang mga security guard maging sa mga empleyado upang maging alerto sa mga ganitong sitwasyon.
Mainam din aniya na naka-save ang hotline number ng PNP Cauayan para sa agarang pagresponde ng kapulisan.
Photo: Marjorie Tan