Isinusulong ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na matapyasan din ang panukalang budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC sa susunod na taon.
Sa plenary debates sa Kamara para sa 2025 General Appropriations Bill, pinuna ni Manuel ang mababang utilization rate ng NTF-ELCAC na indikasyon na dapat nang bawasan ang hiling na 7.8 billion pesos.
Hirap na hirap aniya itong gastusin ang 2.2 billion pesos na budget para sa Barangay Devlopment Program ngayong taon.
Iginiit ng kongresista na zero percent ang accomplishment ng BDP sa kasalukuyan kaya marapat lamang na hindi ibigay ang halos apat na beses na mas malaking pondo.
Sa ilalim ng panukala ng NTF-ELCAC ay target na pagkalooban ng tig-7.8 million pesos ang bawat isa sa 780 barangays na idineklarang “communist insurgency-free”.
Sumang-ayon naman si House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson Stella Quimbo at ipinunto na bagama’t base sa records ng Department of Budget and Management ay 98.96 percent ng pondo ang nailabas, nananatiling nasa pre-procurement stage ang 692 BDPs sa nalalabing apat na buwan ng 2024.
173 projects umano ang sumasailalim pa sa procurement samantalang dalawampung proyekto ang nagpapatuloy.