Umapela si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa mga kasamahang kongresista na magpasa ng resolusyon na susuporta sa alok ng Estados Unidos na maging escort sa isinasagawang resupply missions.
Sa kanyang privilege speech, binigyang-diin ni Tulfo na hindi ito usapin ng kaginhawaan kundi mahalagang hakbang upang manindigan para sa ating karapatan sa ilalim ng international law.
Panahon na aniya para ipakitang hindi puro salita at nasa papel lang ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas kundi commitments na magtatanggol sa ating soberanya at magtataguyod sa international law.
Ipinunto rin ni Tulfo na magbibigay ito ng malakas na mensahe sa international community na seryoso ang bansa sa pagdepensa sa sovereign rights sa West Philippine Sea.
Magdudulot umano ng pagkakaisa ang mga alyansa laban sa anumang agresibong hakbang na layong sirain ang tinatamasang kapayapaan at stability sa rehiyon.
Dagdag pa nito, ang pag-escort ng Amerika ay isang preventive measure na sisigurong may “coordinated response” ang Pilipinas sa bawat marahas na aksyon ng China at poprotekta sa resupply missions na magpapadalawang-isip sa anumang pag-atake sa maritime domain.
Binanggit ni Tulfo ang pahayag ni Admiral Samuel Paparo Jr. mula sa US Indo-Pacific Command na maaaring mag-escort ang American ships sa mga barko ng Pilipinas sa resupply missions na suportado naman ni Pentagon Press Secretary Pat Ryder.