LEGAZPI CITY – Nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Albay (PGA) sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, departamento, negosyo, at academic sector, ng isang focus group discussion upang bumuo ng mga patakaran at hakbang na naglalayong makamit ang katatagan ng ekonomiya sa panahon ng kalamidad.
Ang nasabing inisyatiba ay binigyang-diin ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Head, Dr. Cedric Daep, kung saan inihayag nito ang pangangailangan ng isang comprehensive approach para sa isang business continuity plan (BCP) para sa sektor ng negosyo pagkatapos ng mga sakuna.
Ayon pa kay Daep, ang business continuity planning ay pagpaplano kung ano nga ba ang panganib at ano ang mangyayari sa business sector sa tuwing nagkakaroon kalamidad sa lalawigan. Ito rin umano ay isasama bilang preliminary requirements bago ang Value Chain Analysis Workshop para mapabilis ang pagpapatupad ng SHIELD Program sa Albay.