DAR CALABARZON, nagpaalala na huwag ibenta ang mga lupang natanggap

Batangas City – Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas Katuwang ang Department of Agrarian Reform, pinaalalahanan nila ang mga benepisyaryong nakatanggap ng lupa na huwag itong ipagbili.

Ayon kay McDonald Galit, kasalukuyang Regional Director ng DAR CALABABARZON, mayroon aniyang prohibitory period kung saan hindi pinapayagan ang agrarian reform beneficiaries na ibenta o ilipat ang mga lupang ipinagkaloob sa kanila.

Alinsunod ito sa Republic Act no. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, na nagsasaad na bawal ipagbili o paupahan ang lupang sakop ng CLOA na kanilang natanggap hanggang sampung taon.

Layon nito na maisulong ang pangmatagalang produksyong pang-agrikultura at magkaroon ng matagal na pagkakakitaan ang mga benepisyarong magsasaka.

Samantala, kapag napatunayang lumabag ang mga benepisyaryo dito ay posibleng mabawi ang titulo ng lupang ipinagkaloob sa kanila.