NTC, muling nagpaalala sa publiko na balewalain na ang mga natatanggap na text scam

Batangas City – Muling nagpaalala sa publiko ang National Telecommunication Commission (NTC) na balewalain ang mga scam messages mula sa unregistered number.

Sa panayam ng Brigada Batangas kay Atty. Jualie Labeth Marie Lanting ng NTC IV-A, binanggit niya na kung makakatanggap ng mensahe na maaaring scam ay agad itong ireport sa kanilang hotline number o website.

Ayon kay Atty. Lanting, isa rin sa maaaring gawin ay i-block ang text message mula sa kahina-hinalang phone number.

Aniya, posible naman daw malaman kung sino ang nasa likod ng text scam, ngunit hindi ito basta-basta naibibigay ng Telco dahil sa data privacy act at kinakailangan pa ng court order. Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Lanting na sa tingin niya ay kinakailangang i-revisit na ang exemption sa data privacy ng sim registration, upang maikonsidira ang nararanasan ng publikong text scam kahit na sumailalim na sa sim registration.