NAGA CITY – Napag-alaman sa isang Konsehal sa Naga City, na may ilan pang mga menor de edad sa lungsod ang nagiging courier pa ng ipinagbabawal na droga.
Ayon kay City Councilor, Omar Buenafe, Committee Chair on Peace and Order ng Konseho base na rin sa naging report ng Naga City Police Office, hindi na bago ang ganitong mga senaryo lalo na’t dahil menor hindi gaano pinapansin o pinagdududahan, bawal din arestuhin o ikulong, kaya sa pamamagitan ng mga ordinansa at muling pagpapalakas ng curfew hour sa mga menor ng NCPO, makakatulong ito na maiiwas sa pinagbabawal na gamot.
Sa pamamagitan din ng koordinasyon sa Naga City Social Welfare and Development Office, inaaksyunan ang mga menor at tinutulungan lalo na’t depende sa edad ang magiging aksyon nila.
Sa panayam naman kay City Councilor, Gayle Abonal Gomez, Committee Chair on Family and Children, kinumpirma nitong matagal na rin ang ganitong problema, katunayan may mga nagiging kliyente silang mga menor na kahit sariling pamilya nagagamit sa iligal na droga, na dapat sila’y mas napoprotektahan.