NAGA CITY- Dinaluhan ng mahigit 200 na mga perigrino’t deboto galing sa iba’t ibang probinsya ng Bicol ang 42nd Grand Marian Procession sa Intramuros, Manila kahapon kasama ang patrona ng Bicolandia, Nuestra Señora de Peñafrancia at ang banal na mukha ni Jesus, El Divino Rostro.
Ito ay kaugnay sa pagdiriwang ng Canonical Crowning ni Inang Peñafrancia sa susunod na taon kung kaya’t isang malaking karangalan na sa unang pagkakataon ay nakasama na si Ina sa isang Grand Marian Procession.
Sa naging homiliya ni Rev. Fr. Pablo Carpio, Assistant Parochial Vicar ng Our Lady of Peñafrancia Basilica Minore, sinabi niya na tulad ng unang kandila sa advent wreath na sumisimbolo ng pag-asa ay siya ring ipinamamalas ni Inang Peñafrancia sa kanyang mga deboto at perigrino galing sa iba’t ibang lugar.
Aniya, ang pilgrimage din ang nagpapakita na sa pamamagitan ng pagiging deboto ni Ina, iba’t ibang lugar man ang pinanggalingan, pinag-iisa ang mga tao upang magkaroon ng pag-asang maging mapayapa pa ang mundo.