Mga mambabatas, nag-inspeksyon sa mga warehouse sa Bulacan kontra rice hoarding; Liderato ng Kamara, pinatunayang sapat ang suplay ng bigas sa bansa

Nag-ikot si House Speaker Martin Romualdez kasama ang Bureau of Customs sa malaking imbakan ng bigas sa Balagtas, Bulacan ngayong araw sa harap ng alegasyon na may nagaganap na hoarding upang kontrolin ang presyo sa merkado.

Kasama ni Romualdez sa inspeksyon sina ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga at Bulacan 5th District Representative Ambrosio Cruz bilang bahagi ng oversight powers ng Kongreso.

Read More:  NMC: PH activities in Pag-asa and Lawak Islands are ‘legitimate exercises’

Tumambad sa mga kongresista ang saku-sakong bigas sa FS Rice Mill sa Intercity Industrial Complex sa Balagtas na tatlong buwan na umanong iniipit.

Sinabi ni Romualdez na malinaw na sapat ang suplay ng imported at lokal na bigas at sadyang iniipit upang pantayan ang international market price.

Maaari naman aniyang ibaba na lang ang mga bigas sa Kadiwa stores upang mabili ng consumers sa mas murang halaga sa halip na pairalin ang kasakiman.

Read More:  PH Embassy in Pretoria advises Filipinos to avoid Ebola-affected areas

Nilinaw din ng House Speaker na hindi lamang sa Bulacan nangyayari ang hoarding kundi pati na sa Isabela na maituturing na rice producer.

Dahil sa mga nabunyag, nanawagan si Romualdez kay Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na tutukan ang mga naturang warehouse at makipag-ugnayan upang maibaba na sa merkado ang suplay pagkatapos masuri nang mabuti sa ocular inspections ang mga dokumento.