Malaking hamon para sa Department of Labor and Employment o DOLE ang pagtugon sa kalidad ng trabaho ng maraming Pilipino na karaniwan ay mababa ang sahod.
Natanong si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa 2024 proposed budget ng ahensya ukol sa mga programa upang i-angat ang kasanayan ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng underemployment sa bansa.

Sinabi ni Laguesma na mayroon nang labor and employment plan kung saan nakikipag-ugnayan sila sa industry leaders at business organizations upang alamin ang mga potensyal na oportunidad na mangangailangan ng angkop na manggagawa.
Puspusan din ang government interventions tulad ng pagbibigay ng insentibo at pagpapalawak ng access sa murang bilihin sa pamamagitan ng Kadiwa program.
Sa sektor ng enerhiya ay tinatayang isandaang libong trabaho ang malilikha ngunit kailangan ng skilled workers, bagay na sasabayan ng DOLE sa pagpapatupad ng training programs.
Samantala, ipinresinta ng Labor Department sa komite ang panukalang pondo sa taong 2024 na nagkakahalaga ng 40.151 billion pesos.
14.9 percent itong mas mababa kumpara sa 47.2 billion pesos na pondo ngayong 2023.