Ligao City Mayor Gonzales, kinokonsidera ang pag-relocate sa mga residenteng mula sa 6km PDZ ng bulkang mayon; mga residente, hindi umano dapat ilipat sa malalayong lugar

LEGAZPI CITY – Isa sa mga kinokonsidera ni Ligao City Mayor Fernando Gonzales ay ang pagre-relocate ng mga residenteng mula sa 6 kilometers permanent danger zone ng Bulkang Mayon upang hindi na sila palikasin tuwing nagbabanta ito ng pagputok.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa alkalde, sinabi nito na kinakailangang magkaroon ng mabisang batas ukol sa relocation, kung saan hindi dapat sila ilipat sa mga malalayong lugar na hindi sila makakapagtanim sa mga lupang pagmamay-ari nila.

Read More:  Army seizes seven high-powered firearms from NPA in Caraga

Aniya, pagtatanim ang halos pinakakabuhayan ng mga residenteng nakatira sa loob ng 6 km PDZ, at kung ilipat sila malayo rito, malaki ang posibilidad na babalik at babalik pa rin ito at magtatayo pa rin ng permanenteng tirahan.

Ito rin kasi ang nangyari noong nagsagawa sila ng relocation sa mga residente, kung saan bumabalik pa rin at naninirahan doon.

Read More:  Media groups rally behind journalist Marchel Espina over unjust vexation case

Masyado rin umanong mahirap para sa mga residente na bumiyahe mula sa kanilang lugar na pinagtataniman kung sila ay ire-relocate sa mga lugar na nasa 10-20 km mula sa PDZ.

Kaya naman, ayon kay Gonzales, kinakailangang magkaroon ng batas para rito na mayroong malaking “liability”.

Hindi rin naman kasi aniya sapat ang pagbibigay ng mga trainings at livelihood packages para sa mga residente kung sila ay ilalayo sa kanilang orihinal na hanap-buhay.