Nais paimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga pasyente sa National Center for Mental Health (NCMH) na hindi umano natatrato ng tama at makatarungan dahil sa hindi maayos na pasilidad.
Sa ilalim ng Senate Resolution (SR) No. 562, inuutusan ang Senate Committee on Health na silipin ang kalagayan nga mga pasilidad sa naturang establisyimento upang masiguro na ang mga pasyenteng hawak nito ay nabibigyan ng tamang pangangalaga.

Kasabay nito, nais din ni Tulfo na maimbestigahan ang mga napapaulat na katiwalaan sa NCMH. Mababatid na nagkaroon ng surprise ocular inspection ang senador sa naturang center matapos makatanggap ng tip mula sa concerned citizen na nagsabing tila hayop kung ituring ang mga pasyente sa NCMH.
Paglalarawan ng mambabatas, daig pa ang kulungan ng baboy ang amoy ng ward, at nagsisiksikan na tila sardinas, at natutulog na lang sa sahig nang walang banig, kumot, at unan ang mga pasyente.
Kasabay ng paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 562, nais matukoy ng mambabatas ang ugat ng problema, at kakulangan sa umiiral na operasyon sa NCMH, gayun din ang mabusisi ang kalidad ng serbisyo at panggagamot na ibinibigay ng ospital.