NAGA CITY- Ilang pamilya ang inilikas sa Camarines Sur dahil sa pagbabaha dulot ng ulang dala ng Shearline at Amihan sa lalawigan.
Sa Sta. Maria. Lagonoy sinabi sa Brigada News FM Naga ni Kagawad Ryan Caballero na kaagad inilikas ang 15 na mga pamilya o katumbas ng 55 na indibidwal. Ang baha kasi aniya sinabayan ng high tide.
Sa Tamban, Tinambac naman nasa 50 pamilya ang inilikas dahil din sa baha. Umapaw ang Tambang River kaya mula sa port umabot sa may merkado ang tubig baha.
Ang ilan ngang bangka ay napunta na sa kalsadang daanan ng sasakyang panlupa.
Ayon kay Kagawad Ed Barrameda, kaagad namang nag-abiso ang council sa mga pamilyang nasa high risk areas; flood and landslide prone areas. Napapadalas na aniya ang pag-apaw ng Tambang River na nakakaapekto rin sa mga negosyante.
Sa huli sinabi nitong sa panig ng Committee on Environment ipagpapatuloy ang pagtatanim ng puno at kawayan. Gayundin ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pagtapon ng basura.
Samantala, nasa evacuation center na ang mga residente sa Sitio Buri, Camuning Calabanga dahil sa banta ng landslides.
Patuloy na nararanasan ang pag-ulan dahil Amihan at Shearline.