SORSOGON CITY – Nakapagtala ang lalawigan ng Sorsogon ng aabot sa 8 na paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa datos ng Commission on Human Rights Violations (CHR)-Bicol, karamihan sa anyo ng paglabag ay may kinalaman sa mga pagpapasabog sa iba’t-ibang lugar, drug war, rape at iba pang anyo ng pang-aabuso sa mga kababaihan.
Batay pa sa ulat ng CHR-Bicol, may kabuuang 63 ang naitalang human rights violations sa rehiyon sa taong kasalukuyan, subalit hindi pa umano kasama dito ang pang-aabuso na idinudulog sa kanila online at sa kanilang hotline number.
Maliban sa walong kaso sa Sorosogon, naitala sa lalawigan ng Albay ang pinakamarami na umabot sa 28, sinundan ito ng Camarines Sur na may naitalang 16 na kaso, pumangatlo ang Sorsogon na sinundan naman ng 10 sa Masbate habang may isa sa Camarines Norte at bukod tanging sa lalawigan ng Catanduanes ang wala pang naitatalang kaso ng human rights violations.

Lumabas naman sa datos ng CHR na bumaba ng 40% ang naitalang paglabag sa karapatang pantao ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon na umabot sa 100 kaso.
Paliwanag ng CHR, marahil ay nahihirapan na dumulog sa kanilang opisina ang ilang biktima ng pang-aabuso dahil sa pandemya kung saan iba’t-ibang paghihigpit at lockdown ang ipinaiiral sa iba-t-ibang lugar sa rehiyon.
Dagdag pa ng ahensiya, lahat umano ng idinudulog sa kanilang opisina ay agarang binibigyan nila ng kaukulang aksyon habang ang iba ay gumugulong na at dinidinig na sa korte.