Isang Pilipinang senior citizen ang nasawi matapos mabagsakan ng puno sa gitna ng clean-up efforts pagkatapos ng Bagyong Milton sa Tampa, Florida, sa USA.
Ang biktima ay kinilalang si Luisa Santos, 73 taong gulang at operator ng Oakland Manor Assisted Living na nangangalaga sa mga nakatatanda.
Ayon sa Philippine Embassy sa Washington DC, tumutulong si Santos sa paglilinis matapos ang pananalasa ni Milton nang mangyari ang aksidente.
Nais umano ni Santos na alisin ang mga natumbang puno at sanga sa paligid ng kanilang pasilidad upang masiguro ang kaligtasan ng 28 residente pero habang nagpuputol siya ng sanga ay bigla siyang babagsakan ng malaking bahagi ng puno, na nagdulot ng kanyang kamatayan.
Kwento pa ng anak ni Santos na si Wendy Tantozo, na nagbantay ang kanyang ina buong gabi sa kasagsagan ng Hurricane Milton upang masiguro ang kaligtasan ng mga senior citizens na kanyang inaalagaan.
Ang embahada ng Pilipinas ay nagpa-abot na ng tulong sa pamilya ni Santos at tiniyak na susuportahan sa iba pa nilang pangangailangan.