NAGA CITY- 70 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa Camarines Sur mula Enero hanggang Oktubre 16, 2021 base sa record ng Department of Health Bicol; 7 rito ang nasawi.
Ayon kay DOH Camarines Sur Officer Dr. Rey Millena kung titinggan naman ang record mula Enero hanggang noong Oktubre 9 nangunguna ang Naga City , Minalabac at Pamplona na pawang nakapagtala ng 7. Sinundan ng Libmanan na may 5 , 3 sa Bato, Nabua, Lagonoy at Calabanga. Ang lalawigan ang pinakamaraming kaso sa Bicol Region.
Ang leptospirosis ay malubhang impeksyong dulot ng leptospira bacteria na inilalabas ng mga hayop sa kanilang pag-ihi. Kadalasang nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga. Maliban sa daga maaari ring maging tagapagdala ng leptospira bacteria ang mga baka, baboy at aso.
Panawagan ng DOH sa publiko iwasang magtampisaw sa baha.
Samantala sa parte ng Department of Public Works and Highways o DPWH sinabi ni 3rd District Assistant District Engineer Rick Ragrario na kapag tag-ulan, tinitiyak nilang well maintained o hindi barado ang mga drainages sa mga National Highway upang hindi maging daan ng pagbaha lalo pa sa mga komunidad.