Binisita ng Social Security System o SSS ang 6 na mga business establishment sa lungsod ng Sorsogon na hindi nagbabayad ng SSS contribution ng kanilang manggagawa.
Sa Run After Contribution Evaders o RACE program ng SSS, personal na iniabot ni Elenita Samblero – SSS Vice President of Luzon Bicol Division, katuwang ang kanilang Legal Department, mga Branch Heads ng SSS sa buong Bicol at mga kawani nito ang letter order sa mga nasabing establisyimento na nagbibigay ng 15 araw na palugit upang magcomply sa kanilang mga obligasyon sa SSS.
Ayon pa kay Samblero, bagama’t may mga programa ang SSS para sa mga employer upang hindi ito mahirapan sa pagbabayad tulad ng installment payment, ay hindi na dapat na pinapatagal pa ang pagcomply ng kanilang delinquency upang hindi na ito tumaas nang tumaas dahil sa penalty. Ipinaalala rin ni Samblero na ang SSS contribution ay mandato ng batas kaya hindi ito pwedeng balewalain ng mga employer.
Nagpapatuloy parin anya ang condonation of penalty para sa mga establisyemento na naapektuhan ng Covid-19 pandemic simula 2020 hanggang 2021.
Para naman sa mga mamamayan ng Albay, sinabi ni Samblero na tumatanggap na sila ng aplikasyon para sa calamity loan lalong-lalo na ang mga naapektuhan ng pag-alburuto ng bulkang Mayon.
