COTABATO CITY – PATAY ang isang 57 anyos na lalaki matapos na pagbabarilin ng kanyang kainuman pasado alas nwebe kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Amado Papa Street, Barangay RH-10 dito sa lungsod.
Kinilala ni PNP Station 2 Commander, Police Captain Rustom Pastolero ang biktima na si Allan Lagahit Araneta na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kanyang dibdib.
Sa panayam ngayong umaga ng Brigada News FM Cotabato kay Pastolero, nakikipag-inuman umano ang biktima sa suspek na kanya ring kaibigan at nagkaroon ng mainitang pagtatalo.
Dahil dito, kinuha ni Araneta ang kanyang baril at itinutok sa suspek at pinaputukan ngunit nagawa umano ng huli na maagaw ang baril mula kay Araneta at gumanti ito ng dalawang putok.
Matapos ang pangyayari ay kaagad tumakas ang suspek sa di natukoy na direksyon habang ang biktima ay agad na dinala ng mga rumespondeng elemento ng Police Station 2 ngunit patay na ito ng dumating sa pagamutan.
Sa ngayon pinaghahanap na ng mga otoridad ang suspek at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya samantalang tumanggi muna si Police Captain Pastolero na ito ay pangalanan upang hindi madiskaril ang kanilang imbestigasyon.(Jom Dimapalao)