Target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 50 milyong national ID cards ang kanilang maipamahagi hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Fred Sollesta, ang Deputy National Statistician na simula raw sa buwan ng Oktubre ay magra-ramp up na sila kasama ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng card production na aabot sa 80,000 ID cards kada araw.
Target din aniya nila na simula sa Oktubre ay tumaas pa sa 133,000 kada araw ang maipapamahagi nilang National ID sa mga Pilipino.
Bukod dito, iniulat din ni Sollesta na magsasagawa sila ng roll out ng printable at digital versions ng National ID’s para makamit ang target na 50 million sa pagtatapos ng taon.
Ayon kay Sollesta, ang ilalabas nilang printable and digital versions ng National ID ay kaparehas lamang ng mga features ng physical cards.
Sa kasalukuyan, umabot na umano sa 71 million na mga Pilipino ang nakapagparehistro na sa PhilSys.
Aabot naman na sa 17 million cards ang na-produced ng BSP habang 15 million na mga ID’s naman ang naipamahagi na.
#