5 ‘highjacker’ na sangkot sa pa-ihi modus sa mga truck, arestado ng CIDG

Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang limang highjacker na sangkot umano sa pagnanakaw sa mga truck na may kargang agricultural products sa Pampanga.

Ang modus, ayon sa CIDG , ay gumagamit ang mga suspek ng “pa-ihi scheme” kung saan nagnanakaw ang mga ito ng soybean meal at trigo o feed wheat mula sa iba’t ibang truck na dumadaan sa bypass road sa Lubao at Floridablanca, Pampanga.

Ang mga ninakaw na produkto ay hinahaluan umano ng mga suspek ng bentonite o clay at buhangin at pinapalabas na lehitimong soybean meal ito at ibinebenta sa ibang mga mangangalakal.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga agricultural products na libo-libo ang halaga at iba pang kagamitan.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 1556 o ang Livestock and Poultry Feeds Act.