Pinaaaresto na ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao Del Norte Representative Robert Ace Barbers ang limang Chinese realty traders kabilang na ang umano’y drug lord na si Willie Ong.
Ito’y dahil sa patuloy na pagbalewala ng mga ito sa imbestigasyon ng komite hinggil sa umano’y partisipasyon nila sa shipment ng 3.6 billion pesos na halaga ng shabu sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay Barbers, kung tutuusin ay naging mahaba pa ang kanilang pasensya sa iniimbitahang resource persons at witnesses sa pagdinig laban kay Ong at sa mga kasabwat nito.
Pero may mga limitasyon aniya kaya lahat ng ipina-subpoena na nabigong dumalo sa imbestigasyon ay ipapa-cite in contempt na at maglalabas ng arrest warrant sang-ayon sa House Rules.
Ang iba naman ay binigyan ng huling babala.
Paliwanag ng kongresista, sa ilalim ng Konstitusyon ay may kapangyarihan ang Kongreso na mag-imbestiga “in aid of legislation” at bahagi nito ang pagpapaharap sa witnesses at resource persons.
Mababatid na si Ong na sinasabing may Chinese name na Cai Qimeng ay co-owner ng Empire 999 Realty Corporation at ang iba pang pinaaaresto ay sina Aedy Yang, Elaine Chua, Michelle Sy at Jack Yang.
Giit ni Barbers, mahiwaga ang kumpanya ni Ong dahil walang bank records o money trail sa kanilang mga transaksyon at ang pagtatayo ng mga gusali at warehouses ay hindi ma-trace kung saan galing ang ginamit na pera.