SORSOGON CITY – Binigyan diin ng Sorsogon Provincial Health Office ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng Provincial Health Officer na si Dr. Renato Bolo Jr., sinabi nito na batay sa hawak nila na datos, may naitalang 429 na nasawi dahil sa Covid-19, at ang 419 dito ay hindi bakunado.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi ito pananakot sa mga ayaw magpabakuna, bagkus ay nais lang nilang ipaalam sa publiko kung ano ang totoo.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), kailangan ang bakuna upang maprotektahan ang katawan laban sa pagkakalantad sa coronavirus.
Gumagana ang mga bakuna sa pamamagitan ng pagsasanay at paghahanda ng natural na panlaban ng katawan- ang immune system- upang makilala at labanan ang mga virus na kanilang tinatarget.
Paglilinaw din ng CDC na hindi magkakasakit ng Covid-19 ang nabakunahan dahil wala sa mga bakuna sa Covid-19 ang naglalaman ng live na virus.
Ang pagbabakuna ay isang ligtas na paraan upang makatulong na bumuo ng proteksyon. Kapag bakunado ang isang tao, pinoportektahan nito ang kaniyang sarili at tumutulong na protektahan ang buong komunidad sa pamamagitan ng pagbagal ng pagkalat ng sakit.

