4 na suspek sa pawnshop robbery, tukoy na

Tukoy na ng Sorsogon City Police Station ang apat na suspek sa panloloob sa sangay ng Paracale Pawnshop sa Rizal St, Brgy Sirangan, Sorsogon City.

Sa ekslusibong panayam ng Brigada News sa hepe ng Investigation Section na si PMaj Baltazar Valenzuela, sinabi nito na kilala na nila ang mga suspek subalit tumanggi itong pangalanan upang hindi mabulilyaso ang ginagawa pa nilang follow-up investigation at operation laban sa mga ito.

Nagbase lahat ang imbestigasyon ng PNP sa mga nakuhang CCTV footages sa mga suspek at behikulo na ginamit ng mga ito. Kasalukuyang inaalam pa ng Pulisya ang pagkakakilanlan sa may-ari ng behikulo.

Read More:  Caretaker dies after stabbing incident in San Vicente, Palawan

Ayon pa sa opisyal, ang dalawa umanong suspek ay taga-Ipil, Zamboanga Sibugay, ang isa ay taga-Baguio City at isang ‘local’ o taga-Sorsogon. Ang tatlo umanong dayuhan ay mga ‘mining experts’ dahil sa pamamamaraan ng kanilang paghuhukay at kagamitan.

Pinaniniwalaang gumamit ang grupo ng welding machine o acetylene upang mabutas nila ang bakal na pintuan ng vault.

Ang isang suspek na bumili ng hydraulic jack sa isang lokal na hardware sa lungsod ay natukoy nila ang pagkakakilanlan dahil din sa CCTV footage, gayundin ang ‘spotter’ ng grupo na nagkunwaring ‘sira ulo’ o taong grasa subalit siyang nagsusukat ng distansya at spotter ng mga butas o manhole.

Read More:  German national dies in Mandaue pension house fire

Ang mga suspek ay dati nang nahuli sa ibang lugar matapos ang kaparehong tunneling break-in, nakapagpiyansa at muling naghuhukay sa madilim na imburnal at lagusan.

Ang paraang ito ng pagnanakaw, modus daw ng tinaguriang “ Daga-Daga Gang” o Acetylene Gang” o Termite Gang.”