SORSOGON CITY – Inaprubahan ng Provincial Board ang isang panukala na naglalayong magtayo ng kani-kanilang slaughterhouse ang apat na munisipyo ng lalawigan para sa layunin ng pagprotekta sa pangkalahatang publiko laban sa African Swine Fever (ASF).
Sa isang naaprubahang Resolution, hiniling ng may akda na si Sangguniang Panlalawigan Member (SPM) Roland Anonuevo ang bayan ng Matnog, Sta Magdalena, Barcelona at Juban na magtatag ng kani-kanilang slaughterhouse o katayan para sa maliliit at malalaking hayop.
Nakasaad sa Resolution na ang ASF ay isang malubha, nakakahawa, at viral na sakit na nakakaapekto sa mga baboy, ngunit hindi nakakahawa sa mga tao at hindi banta sa kalusugan ng tao.
Gayunpaman, maaari itong magdulot ng malaking pinsala at pagpatay ng baboy sa loob ng maikling panahon, na lubhang naka-aapekto sa mga sakahan ng pag-aalaga ng baboy at sa industriya ng karne sa kabuuan. Ang pag-iwas sa pagkalat ng ASF sa lalawigan ay maaaring maprotektahan ang mga lokal na sakahan ng baboy.

Ang isang LGU na mayroong sariling slaughter house ay isang preventive measure laban sa ASF dahil ang mga baboy na inihahatid dito para katayin ay sumasailalim sa inspeksyon.
Sa sandaling matukoy ang ASF o anumang kaugnay na sakit, mamarkahang ‘condemned’ ang naturang baboy, ihihiwalay kaagad at idi-disposed nang maayos at ang pag-trace ng pinagmulan nito ay hindi na magiging isyu.
Ang pagpapatayo ng slaughterhouse ay sa kapakinabangan ng hog raisers at publikong kumukunsumo.