CAMARINES NORTE- Nakapagtala na naman ng mataas na kaso ng COVID- 19 ang lalawigan ng Camarines Norte batay sa ulat ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
Kabilang sa mga bagong kaso ay ang isang apat na buwang sanggol at isang taong gulang na bata mula sa bayan ng Basud.
Batay sa opisyal na pahayag ng Lokal na Pamahalaan, ang apat na buwang gulang na sanggol ay si Bicol No. 10134, babae mula sa Barangay Poblacion 1.
Ang isang taong gulang na batang lalake naman ay si Bicol No 10133 na nagmula rin sa nabanggit na barangay.
Ang dalawa ay close contact ng naunang kaso at kapwa asymptomatic.
Kasalukuyang nagkokompleto ng isolation sa District II Temporary Treatment and Monitoring Facility sa Mat- I Vinzons ang dalawa.
Muli namang umapela ang Lokal na Pamahalaan na patuloy na makiisa sa mga ginagawang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Pinaka importante dito ay ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, palagiang paghuhugas ng kamay at social distancing.

