4 arestado matapos pagnakawan ang isang Koreano sa Nasugbu, Batangas

Sasampahan na ng kasong Qualified Theft ang apat na kalalakihan makaraang nakawin ang pera ng isang Koreano sa isang hotel sa Brgy, Wawa, Nasugbu Batangas.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Kenneth, 29-anyos; Gene, 42-anyos; Michael, 31-anyos at Ramil, 31-anyos.

Kinilala naman ang biktima na si Ro Jung Suk, 35-anyos at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar.

Batay sa imbestigasyon ng Nusugbu Municipal Police Station, nagulat na lamang ang biktima nang madiskubre niyang nawawala na ang kanyang pera sa loob ng kwarto ng hotel kung saan siya naka-check in.

Agad niya raw itong inireport sa management ng hotel at nagsagawa ng inspection ang mga security guard sa nasabing hotel.

Kabilang sa mga nawalang pera ay 1,300 US Dollars at 710,000 Korean Won.

Matapos ang inspeksyon ay narekober mula kay alyas Kenneth ang 500 US dollar kasama ang 410,000 Korean won habang 700 US dollar at 300,000 Korean Won ang nakumpiska kina alyas Michael at Ramil.

Nasa kustodiya na ng Nasugbu MPS ang mga naarestong suspek.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *