LEGAZPI CITY—Malamig na rehas ang kinasadlakan ng isang 30-anyos na misis at kalaguyo nitong 65-anyos matapos na ipakulong ni mister dahil sa kasong adultery sa Malinao, Albay.
Ayon kay PMaj Diome Cardano, ang Chief of Police ng Malinao Municipal Police Station, nakikita umano ng ibang kabarangay na magkasama ang babae na si alyas Ligaya at kalaguyo nitong si alyas Berting.
Nang mabalitaan ito ng mister ng babae ay kinompronta nito ang kanyang misis hinggil sa napapabalitang mayroon umano itong ibang karelasyon.
Inamin naman umano ito ng babae kung kaya hindi nagdalawang isip ang mister na kasuhan ang mga ito matapos makitaan ng ebidensya para sa kasong adultery.
Sa bisa ng arrest warrant na may petsang Hulyo 12, 2021 ay dinakip sina alyas Ligaya at alyas Berting. Nagrekomenda ang korte ng P36,000 na piyansa bawat isa para sa pansamantalang kalayaan ng mga ito. || with reports from BNFM Legazpi
