3 miyembro ng pamilya, patay sa aksidente; panganay, kritikal

Patay ang tatlong miyembro ng pamilya sa nangyaring banggaan ng motorsiklo at mini-tanker sa Highway ng Brgy. Bacungan, Puerto Princesa City umaga ngayong Miyerkules, ika-24 ng Hulyo.

Ang nasawi ay ang mag-asawang Mark at Janice Salvo at kanilang 3-anyos bunsong anak habang kritikal sa ospital kanilang 17-anyos na panganay na anak.

Ayon kay Reyan Lacay na kamag-anak ng mga biktima, sinakop ng truck ang linya ng motorsiklo sa kurbadang bahagi ng daan.

Sa lakas ng pagkabangga, tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at iba pang parte ng katawan dahilan ng kanilang pagkamatay.

Kaugnay nito, ang driver ng tanker ay nasa kustodiya na ng PNP at nakipag-ugnayan na sa pamilya ng biktima ang kompanya nito.

Samantala, naulila ng mag-asawa ang kanilang dalawang anak na parehong mga estudyante.