Umakyat na sa tatlong miyembro ng Daulah Islamiyah-Maute Group ang napatay ng tropa ng pamahalaan sa nagpapatuloy na opensiba sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur.
Sa inilabas na pahayag ng Western Mindanao Command (Wesmincom), isang sundalo na ang nasawi sa naturang engkwentro habang apat pa ang naiulat na sugatan.
Ayon sa militar, agad na inilabas ang mga nasawi at nasugatan sa lugar para mabigyan ng medikal na atensyon.
Una nang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na gumamit ang militar ng air asset para bombahin ang lungga ng Daulah Islamiyah-Maute Group sa ilalim ng pamumuno ni Abu Zacariah.
Narekober sa lugar ang ilang matataas na kalibre ng mga armas na ginagamit ng mga terorista katulad ng caliber 50 machine guns, M16, rocket propelled grenade launcher, improvised explosive device at maraming pang iba.
Samantala, kinuwestiyon naman ni Civic organization Moro Consensus Group chairperson Drieza Lininding ang ginawang air strike ng militar, at sinabing ginawa ito nang hindi nagpapaalam sa mga kalapit na komunidad.
