Inanunsyo ng Malacanang na 29% na ng nasa 10.7 milyong residente sa Metro Manila ang nakatanggap na ng ayuda limang araw bago matapos ang enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon sa August 20.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, 29% o 3,299,290 milyong tao na ang nakatanggap ng halagang P1,000 cash aid mula sa gobyerno. Ang cash aid na ito ay para sa mga low-income earners na naapektuhan ng pandemya na maaaring makuha ng hanggang sa apat na miyembro ng isang pamilya.
Bago rito, nagtalaga ang gobyerno ng P11.3 bilyong pisong cash-aid para sa mga residente ng Metro Manila na naaapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ang Makati City ang nagtala ng pinakamataas na porsyento ng payout na 51.4%, sumunod ang Taguig City na may 50.4% at pangatlo ang siyudad ng Caloocan na may 45%.
Base sa mga numero na prinesenta ni Roque, ang Quezon City ang may pinakamaraming recipients na may higit 651,000 habang ang Pateros naman ang may pinakamaliit na bilang ng mga recipients na mayroon lamang humigit kumulang 18,000.