Nasa 27 na Isabeleño ang naging benepisaryo ng programang “Sagip Mata, Sagip Buhay” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pagsisimula muli nito ngayong 2nd Quarter ng taon.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nabigyan ang naturang mga benepisaryo ng free diagnostic at refraction services, libreng salamin, gamut at operasyon ng mga may katarata sa mata, glaucoma at Age-related Macular Degeneration (AMD).
Ang unang batch na kinabibilangan ng 13 na benepisaryo ay natapos noong May 27, 2021 habang ang pangalawang batch na binubuo ng 14 na benepisaryo naman ay noong June 3, 2021 sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) Santiago City.
Nagmula sa City of Ilagan, Cordon, Tumauini, Cabagan at San Pablo ang mga benepisaryo na kabilang sa mga walang access o hindi kaya ang bayarin sa pagpapa-check up ng mata lalong lalo na ang mga nakatatanda at nakararanas ng visual impairment.
Pinangunahan naman ng Program Team ang pagmonitor sa striktong Minimum Public Health Standards upang magkaroon ng naturang serbisyo isang beses kada linggo.