Umabot na sa 239 na lugar sa Metro Manila ang isinailalim sa granular lockdown, matapos umpisahan ang pilot implementation ng bagong alert system noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Interior Undersecretary Epimaco Densing na “so far, so good” ang pagpapatupad ng lockdowns sa mga lugar gaya ng mga bahay at subdivisions sa Maynila na nasa ilalim ng Alert Level 4.

Gayunman, sinabi ng opisyal na meron isang napaulat na kaso kung saan ay tinutulan ng mga residente ang lockdown dahil sa epekto nito sa kanilang hanap-buhay.
Ipinunto naman niya na mayorya ng mga isinailalim sa granular lockdown sa Quezon City ay mga indibidwal na bahay.
Iginiit rin ni Densing na agad nilang itinama ang ilang kamalian na napansin nila sa ground kabilang na ang isang sitwasyon kung saan ay kinandado ng barangay ang isang bahay at iniwan ang susi nito sa homeowners association.