BNFM BICOL—Sumampa na sa 1,430 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Catanduanes matapos na madagdagan ng 22 bagong kaso nitong weekend.
Batay sa ulat ng Department of Health Bicol, 15 kaso ang naidagdag sa probinsya nitong nagdaang Sabado kung saan anim sa mga ito ang mula sa bayan ng Viga; apat sa San Andres; tatlo sa Bagamanoc at tag-isang kaso ang bayan ng Gigmoto at Virac.
Kahapon araw ng Linggo, pitong bagong kaso naman ang muling naitala sa isla kung saan apat nito ang mula sa Viga at tag-iisang kaso ang mga bayan ng Pandan, San Andres at Virac.
Bunsod nito, umakyat sa 250 ang active cases ng COVID-19 sa Catanduanes habang nasa 1,169 na rin ang bilang ng mga gumaling makaraang maitala ang 11 recoveries nitong Sabado at 14 recoveries naman nitong Linggo.
Wala namang naiulat na bagong kaso ng pagkasawi kung kaya’t nananatili sa 11 ang death toll ng sakit sa probinsya.