Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co na bubusisiin nang mabuti ang National Expenditure Program para sa susunod na taon.
Ayon kay Co, ito’y upang masigurong na bawat pisong ilalaan ay maayos na ginagasta at nakahanay sa pambansang prayoridad.
Magsasagawa aniya ng komprehensibong pagdinig ang Appropriations Panel kasama ang iba’t ibang stakeholders, mga ahensya ng gobyerno at mga eksperto upang siguruhin ang transparency, accountability at epektibong paggamit ng pondo.
Paliwanag ni Co, ang pangunahing target ay magkaroon ng budget na tunay na nagsisilbi sa taumbayan kaya committed ang Kongreso na tiyaking tutugunan ng panukalang 2025 national budget ang pangangailangan ng mamamayan, nagtataguyod ng sustainable development at dinadala ang bansa tungo sa progreso at kasaganaan.
Bukod dito, sisiguraduhin umano na tuluy-tuloy ang legacy projects ni Pangulong Bongbong Marcos partikular ang specialty hospitals, food security at pabahay para sa mahihirap.
Dagdag pa ng kongresista, tututukan sa paglalaan ng pondo ang mga sektor ng edukasyon, kalusugan, imprastraktura at social services upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Metikuloso namang susuriin ang NEP upang magarantiya na sinasalamin nito ang adhikain at pangangailangan ng publiko kaya sa ganitong paraan ay hindi lamang masusuportahan ang paglago ng ekonomiya kundi magsusulong ng inclusivity at social justice.