20,000 estudyante naka-quarantine matapos ma-expose ng COVID-19 sa Mississippi

Mahigit 20,000 na mga estudyante sa Mississippi ang naka-quarantine ngayon matapos umanong ma-expose sa COVID-19.

Ayon sa report, isa ang Mississippi sa mga pinakaapektado ng infection rate sa America bunsod ng Delta variant.

Napag-alaman na sa loob lamang ng unang linggo ng pagbabalik ng face to face classes, umabot na agad sa 20,334 na mga estudyante ang naka-quarantine dahil sa pinangangambahang exposure sa positive case.

Kaugnay nito, nasa 4,521 na mga estudyante ang sinasabing nahawa ng COVID-19 na dahilan ng pag-akyat sa 5,993 ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nahawa mula nang buksan ang face to face classes ngayong Agosto.

Maliban sa mga estudyante, naitala din ang 948 na mga guro at school staff ang positibo sa COVID-19 mula August 9 na nagresulta naman sa kabuuang bilang nito sa 1,496 sa nasabing hanay.

Base sa datus, mas mababa sa 36% ng mga residente ng Mississippi ang fully vaccinated.