CATANDUANES —Sumipa na sa 1,056 ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa islang lalawigan ng Catanduanes matapos na makapagtala ng 20 bagong kaso ng sakit nitong weekend.
Batay sa report ng Department of Health – Bicol, pitong bagong kaso ang naitala sa probinsya nitong Sabado, kung saan lima nito ang mula sa bayan ng Virac at tag-isang kaso ang mga bayan ng Bato at Bagamanoc.
Kahapon araw ng linggo, nasa 13 bagong kaso ng sakit ang nairehistro kung saan lima ulit nito ang mula sa Virac; apat sa bayan ng Viga; tatlo sa Bagamanoc habang isa ang mula sa Bato.
Bunsod nito, muling umakyat sa 136 ang active cases ng COVID-19 sa isla.
Samantala, nakapagtala naman ng limang mga bagong gumaling ang lalawigan dahil sa dalawang recoveries nitong Sabado at tatlong recoveries naman nitong linggo.
Sa kabuuan, nasa 909 na ang kabuuang COVID-19 recoveries sa Catanduanes habang nananatili naman sa 11 ang fatalities ng sakit mula dito.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang panawagan ng PHO sa publiko na matamang sundin ang mga umiiral na COVID-19 protocols at makiisa sa nagpapatuloy na vaccination roll out sa probinsya upang mapigilan ang patuloy pang pagdami ng mga tinatamaan ng nakamamatay na sakit sa islang lalawigan.###
