NAGA CITY- Hindi maipaliwanag na kalungkutan ang nararamdaman ngayon ng mga kaanak ng dalawang taga Camarines Sur na napabilang sa nasawi sa pagbagsak ng C-130 Hercules Military Plane sa Patikul, Sulu noong Lingo Hulyo 4, 2021.
Una sa mga ito ay si Army Corporal Dexter Espares Estrada ng Zone-2, Bgy. Paloyon bayan ng Nabua. Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Salem Espares-Estrada, ina ni Dexter, emosyunal nitong sinabi na hindi nya matanggap ang nangyari sa 32-anyos na anak.
Nakipag ugnayan na sa kanila ang 9th Infantry Division Philippine Army at sinabing maghintay muna. Hindi pa matiyak kung kailan maiuuwi ang bangkay dahil kabilang sa mga nasunog, dumaraan pa sa DNA Testing upang matiyak na tamang bangkay ang maiuuwi sa pamilya.
Pangalawa ang taga Rinconada Area din na si Sgt. Jack P Navarro, tubong Brgy. Iyagan bayan ng Baao, Camarines Sur at load master ng bumagsak na C-130 plane.
Labis ang pagdadalamhati ng mga kaanak nito. Ayon sa pinsan nitong si Lorena, nakakapanghina man ng loob dahil na ganito ang sinapit ng kanyang pinsan –proud sila dito dahil sa serbisyo sa sambayanang Pilipino. Tinawag nya pa itong bayani.
Labis din ang panghihinayang at pagkalungkot ng mga kasamahan nito sa Philippine Airforce.
Kinumpirma sa BNFM Naga ng isa sa mga kaanak ni Navarro na sa Baao nga ito lumaki.
Wala pang opisyal na pahayag ang 9th Infantry Division Philippine Army ukol sa mga Bicolanong nasawi.