KORONADAL CITY- SUMUKO ang dalawang miyembro ng Communist Terrorists Group o CTG sa mga otoridad sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Ayon kay Lieutenant Colonel Allen Van Estrera, commanding officer ng 37th Infantry Battalion, nasa ilalim ng Dragon Fruit Platoon, East Daguma Front, Sub-Regional Committee Daguma, Far South Mindanao Region ang mga sumuko.
Bitbit ng mga ito sa kanilang pagsuko ang isang 12 guage shotgun at isang caliber.38 revolver.
Nilinaw naman ni Brigadier General Eduardo Gubat, 603rd Brigade Commander na ang pagbalik loob ng dalawang rebelde ay resulta umano ng mga hakbang ng 37IB at ng Local Government Unit ng Lebak, Sultan Kudarat upang marami pa ang mahikayat na sumuko sa gobyerno.
Pinasiguro naman ng mga otoridad na isasa-ilalim sa Enhanced Comprehensive Local Integration o (ECLIP) Program ng gobyerno ang dalawang rebelde.
