Sapul sa CCTV camera bandang alas 4:00 hanggang 5:00 madaling araw nitong Sabado, September 18, 2021 ang pag-atake ng magnanakaw sa dalawang bisekleta sa Bgy. Bancao-Bancao lungsod ng Puerto Princesa.
Sa kuha ng CCTV footage, aakalain ang lalaking ito ang may-ari sa nakaparadang bike na nasa loob ng isang compound ng bahay.
Isang babae rin sapul sa CCTV na naghihintay sa labas ng gate ng bahay. Hinala ng biktima posibleng may iba pang sangkot sa nangyaring pagnanakaw.
Ayon sa biktima na may-ari ng bike na si Priscilla Agdeppa Dimaunahan, nangyari ito sa mismong tahanan ng kanyang nanay at matagal na umano nila iniiwan ang kanilang bike kaya hindi nila akalain na nanakawin ito ng mga magnanakaw.
Naipagbigay alam na nila sa barangay at pulisya ang insidente pero hanggang ngayon ay hindi pa tukoy kung sino ang nagnakaw sa dalawang bisikleta na kulay red at blue na nagkakahalaga ng P30,000 at ang isa ay mas mahal pa ang halaga.
Nanawagan ito sa mga nakakakilala sa mga salarin na agad na ipaalam sa kinauukulan upang mahuli at hindi na makapabiktima pa ng iba.