Arestado ang dalawang indibidwal habang nakatakas naman ang isa pa sa operasyon ng mga otoridad kontra pagpapaihi ng langis sa Barangay Puting Bato West, Calaca City, Batangas, dakong alas-11:30 kagabi, Agosto 9, 2023.
Kinilala ng Calaca City Police Station ang mga naarestong suspek na sina John Brilliant Bautista, 37 anyos, buyer ng pinaihing langis at ang helper na si Jeremiah Noche, 37 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Pob. 5 nitong lungsod.
Nakatakas naman ang seller o nagbebenta ng pinaihing langis na si Jovanny Binanda Lumbayan na residente ng Maligaya Park Subd., Caloocan City.
Sinabi sa Brigada Batangas ni PLt. Col. Eduardo de Luna Balita, hepe ng Calaca CPS, narekober sa naturang operasyon ang isang tanker truck, 10 galon na may lamang diesel, 37 galon na walang laman, apat na improvised hose at isang plastic funnel maliban sa mga sasakyang gamit ng dalawang suspek.
Dagdag pa ni Ramos na inilunsad ng Regional Intelligence Division at Regional Special Operations Unit kasama ang kanilang puwersa matapos ang isinagawang surveillance sa mga suspek.
Akto ang mga ito na nahuli ng mga otoridad na nagsasalin ng mga langis para ibenta sa isang naarestong suspek.
Nasa kustodiya na ng naturang himpilan ang nahuling mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1865 o Oil Pilferage Law.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga otoridad sa nakatakas na suspek.