SORSOGON CITY – Nakasama ang dalawang bayan sa Sorsogon na idineklara ng Dept. of Agriculture (DA) na African Swine Fever o ASF free na.
Bago mag-Semana Santa, idineklara ng nasabing Kagawaran ang bayan ng Bulan at Sta. Magdalena na libre na sa nasabing sakit sa mga alagang baboy.
Ayon sa tagapagsalita ng DA-Bicol na si Emily Bordado, ang 9 na bayan ay binigyan ng ASF-free status matapos sumunod sa DA Administrative Order No.3 series of 2021 o ang Guidelins on the Recovery and Declaration of Freedom from ASF for LGUs.

Ilan sa kinakailangan ay kopya ng municipal ordinance sa pagpapatibay ng ‘Bantay ASF sa Barangay’ program, kopya ng farm registry ng munisipyo bilang patunay ng membership, listahan ng pagsasanay sa swine biosecurity na dinaluhan ng LGU staff, isang buod o summary ng history ng ASF sa munisipalidad kabilang ang mga outbreak, surveillance at mga hakbang upang maiwasan ang muling pagpasok ng ASF sa lugar.
Lahat umano ng LGU na walang naiulat na outbreak sa loob ng hindi bababa sa 40 araw mula sa huling araw ng paglilinis at pagdidisimpekta ay kwalipikado para sa ASF-free na deklarasyon.
Dagdag pa ni Bordado, inaasahan nila ang iba pang mga bayan sa rehiyon na idideklara rin bilang ASF-free.