Inaasahan na iwe-welcome ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakamalaking shipment ng Russian made COVID-19 vaccines mamayang gabi sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Ang nasabing suplay na nasa 2,805,000 doses ng Sputnik V vaccine na binili ng gobyerno ay dadalhin patungo sa bansa sa pamamagitan ng Air Bridge Cargo Airlines.
Makakasama naman ng Punong Ehekutibo sa pagsalubong sa mga bakuna sina Russian Ambassador Marot Pavlov, National Task Force against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III.
Pre-cleared na rin ng “One Stop Shop” ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport ang naturang shipment matapos nitong matanggap ang mga advance documents para sa beripikasyon at releasing.
Noong Miyerkules lamang ay dumating ang 2.7-million Sputnik V vaccine sa NAIA Terminal 2 sakay ang Philippine Airlines chartered flight mula Moscow.
