1k origami cranes nagawa sa loob lamang ng 9.5 oras sa UK

Hindi nagpahinga, hindi kumain ni uminom o nagbanyo ang isang teenager sa UK para makamit ang target nitong basagin ang Guinness World Record sa paggawa ng 1000 origami cranes.

Dahil sa kanyang determinasyon ay nagawa nga ng 15-anyos na si Evelyne Chia ng Colchester, England ang 1000 origami cranes sa loob ng siyam na oras at 31 minuto.

Ang dating may hawak ng nasabing record ay mayroong 12 oras na ginugol sa paggawa nito kung kaya determinado si Chia na makukuha nya ang bagong world record.

Isinumite na nito sa Guinness ang kanyang video evidence at iba pang mga dokumento para opisyal na kilalanin ang kanyang nagawa.

Pero hindi niya umano ito ginawa para lamang sa kanyang personal na hangarin na mailathala sa Guinness Book kundi upang suportahan ang fundraising ng NHS Charities Together para sa mga health workers.

Ayon kay Chia, hindi basta-basta ang 1000 origami cranes na kanyang nagawa dahil ayon sa ancient Japanese legend, kapag nakatupi raw ng 1,000 origami ang isang tao ay maaari itong mag-wish sa kanilang mga diyos at ito’y magkakatotoo.

Anya, marami na ring mga tao ang nakagawa ng 1000 origami pero inaabot sila ng isang taon bago ito makumpleto. || Shiela Madrigalejos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *