SORSOGON CITY – Nahaharap na sa kasong Robbery Extortion ang isang 18-anyos na dalaga matapos ang isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad sa Brgy Talisay ng nasabing lungsod.
Kinilala ang akusado na si Kristine Kate Anis Rivera, walang trabaho at naninirahan sa Housing Project, Brgy Bibincahan, East District, Sorsogon City habang ang biktima ay nakilalang si Antonio Hainto Alindogan, 56-anyos, may asawa, alkalde ng bayan ng Juban at residente ng Brgy Poblacion ng nasabing bayan.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng hepe ng Sorsogon City Police Station na si PMaj Jeric Don Sadia, sinabi nito na ikinasa nila ang nasabing entrapment operations batay sa reklamo ng biktima na kinikikilan umano siya ng suspek ng halagang P100K kapalit ng isang voice clip/record na ilalabas umano nito sa publiko kung hindi magbibigay ng nasabing halaga.
Nagkunwaring pumayag ang biktima sabay hingi ng police assistance.
Narekober sa suspek ang entrapment money na P50K na kinabibilangan ng dalawang genuine na P1K at ang iba ay boodle money na.
Una rito, nakuha umano ng suspek ang contact number ng alkalde dahil minsan nang tinawagan ito upang pagbentahan ng sasakyan.
Isang araw ay tumawag ang suspek at nagpakilala sa biktima na staff umano siya ni “Atty Cesar Balmaceda’’ at mayroong ipinabibigay na mahalagang dokumentos ang abogado sa kanya. Ayon pa sa suspek, kung puwede ay magkita sila sa Rompeolas sa lungsod, upang maibigay niya ang nasabing mga papeles.
Nang magkita umano ang dalawa sa naturang lugar, nagulat ang biktima dahil napakabata pa nito para maging isang staff. Agad umanong sumakay sa kanyang behikulo ang suspek at nang hiningi niya ang mga papeles ay wala itong naipakita.
Sa puntong ito ay pinagalitan niya ang dalaga, subalit lingid sa kaalaman ng biktima ay ini-record nito ang kanilang pag-uusap sa cellphone.
Dito na sinimulan ng suspek na kikilan ang biktima, kung saan unang dinemand nito ay P20K, subalit noong Agosto 30 ay muling tumawag ito at nag-demand ng P100K kapalit ng hindi paglalantad ng naturang voice clip. Tinakot pa nito ang biktima at sinabing ‘’dako ini na isyu mayor.’’
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang akusado para sa kaukulang disposisyon.

