SORSOGON CITY – Arestado ang 12 suspek sa pagkamatay ng isang 23-anyos na estudyante sa Bulan, Sorsogon sa umano’y hazing sa fraternity noong 2020.
Sa impormasyon na nakuha ng Brigada News FM-Sorsogon, nagpupulong umano ang mga suspek para sa paghahanda sa anibersaryo ng kanilang fraternity sa isang bahay sa Brgy Lawa, Calamba, Laguna nang salakayin ng mga awtoridad.
Kinilala ang mga ito na sina Mar Charnel Fajardo, 22-anyos; Arman Bunyi Jr., 23; Arvin Nuṅez, 25; Ronnel balaguer, 25; Johnson Gealone, 26; Runy Gerero, 35; Remdrant Gerolao, 34; Reniel Guran, 32; Archie Dipon, 43-anyos; Ronmark Godala, 24; Billy Bertania, 31 at Ulysses Berania, 29-anyos, lahat pawang mga residente ng nasabing bayan sa Sorsogon.
Umano’y may 10 pang mga wanted na may warrant of arrest sa parehong kaso na nakalalaya pa at pinaghahanap na.

Ang mga suspek ay nagtago matapos ang isinagawang hazing sa 17 mga neophytes ng Tau Gamma Phi na isinagawa sa nasabing bayan noong Pebrero 16, 2020.
Sa nasabing hazing ay nasawi ang criminology student na si Omer Piolano Despabiladeras, naninirahan sa Brgy Zone 4 ng nasabing bayan.
Ang mga suspek ay itinuturing na top 10 most wanted persons ng PNP Region 5.
Walang piyansa ang mga suspek sa kinakaharap na kasong paglabag sa Anti-Hazing Law.
Nasa kustudiya na ng Bulan MPS ang mga akusado at nakatakdang iharap sa kanilang court of origin.