
KORONADAL CITY- HANDA na ang 12 mga paaralan sa lalawigan ng South Cotabato para sa face-to-face classes.
Ayon kay South Cotabato Schools Division Superintendent Ruth Estacio na inirekomenda nila sa DepEd Regional Office 12 na maging pilot area ang mga paaralan sa mga barangay na low risk at walang kaso ng COVID 19, partikular sa mga far flung barangays ng Lake Sebu at T’Boli.
Inihayag din ni Estacio na suportado ng naturang mga LGU at ni Governor Reynaldo Tamayo Jr ang pagbalik ng face to face classes at hinihintay na lamang nila ang go signal ni Presidente Rodrigo Duterte sa pagpapatupad nito.
Batay sa Divison Memorandum CID No. 053 series of 2021 na inisyu ni Estacio noong March 16, kabilang sa mga paaralan na handa na sa pilot testing ng limited face-to-face classes ang Bolol Lahak, Maculan, Upper Maculan, TBoyong at Traankini Elemetary School, Ned National High School at Kibang National High School sa bayan ng Lake Sebu; Balnabo Elementary School, Lamsalome Integrated School, Aflek at Maan National High School sa bayan ng T’Boli; at Tokay Mal Elementary School sa bayan ng Tampakan.
Ngunit nilinaw ni Estacio na 20 mga estudyante lamang kada classroom ang papayagan sa pilot testing at blended learing pa rin ang modality na gagamitin kung saan mayroong face-to-face at modular learning.
Mahigpit din aniyang ipatutupad ang minimum health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask, proper hand-washing at pagsunod sa social distancing.
