SORSOGON CITY – Sa tulong ng libreng operasyon, nabigyan ang ilang mga batang may mga cleft lip at palate o bingot ng bagong ngiti at bagong pag-asa.
Aabot sa 12 bata ang sumailalim sa operasyon na isinagawa ng Sorsogon Provincial Health Office katuwang ang Advance Craniofacial Project Phils. Inc. sa ilalim ng Smile Train Phils.
Tiniyak naman ng PHO na mas marami pang ganitong programang ipapaabot sa mamamayan ng Sorsogon bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyo medikal ng lalawigan.
Ang Smile Train Philippines Foundation, Inc. ay isang charity na nakarehistro sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kinikilala ng Philippine Council for NGO Certification (PCNC) habang ang Advance Craniofacial Project Phils Inc. ay siyang partner ng Smile Train Phils na siyang gumagawa ng operasyon.
Ayon dito, patuloy nilang pinapalawak ang kanilang mga programa at pagsusumikap na maabot at masuportahan ang mga benepisyaryo na pasyente at ang kanilang pamilya, kahit sa panahon ng pandemya.
PHOTO: SPIO
