SORSOGON CITY – Aabot sa 100 child laborers sa Masbate ang nabigyan ng support services ng Dept of Labor and Employment (DOLE)-Bicol sa pamamagitan ng kanilang ‘Project Angel Tree.’
Ayon sa tagapagsalita ng DOLE-Bicol na si Johana Gasga, sinabi nito na ang proyekto ay naaayon sa adbokasiya ng Kagawaran na pigilan ang child labor tungo sa pag-unlad ng komunidad at bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng National Children’s Month na may temang, “New Normal na Walang Iwanan: Karapatan ng Bawat Bata Ating Tutukan.’’
Ang 100 child laborers na nagmula sa iba-t-ibang barangay ng bayan ng Esperanza sa Masbate ay nakatanggap ng food packs, school supplies, mug, payong at ‘Batang Malaya’ t-shirts sa isinagawang community-based intervention program na pinangasiwaan ng DOLE Masbate Provl Field Office.
Ang Project Angel Tree ay isang bahaging proyekto ng DOLE sa ilalim ng Child Labor Prevention and Elimination Program na nagbibigay ng hanay ng mga serbisyo sa mga child laborer at kanilang mga pamilya, mula sa pagkain, pananamit, tulong pang-edukasyon o mga gamit sa paaralan at training opportunities.
PHOTO: DOLE-Bicol
