Siniguro ng Consul General sa China na ginagawa nito ang lahat ng kanilang mga makakaya para matulungan ang ating mga kababayang naipit matapos ang idineklarang total lockdown sa Shanghai bunsod sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19.
Sa isang panayam, sinabi ni Consul General Josel Ignacio na maging sila ay hirap sa ngayon na maipaabot ang ayuda sa tinatayang 4,000 nating mga kababayan dahil hindi rin makalabas ng tahanan ang kanilang mga tauhan.
Sinisikap aniya ng mga personnel ng embahada na maipamahagi ang kung anong meron lang sila sa mga oras na ito.
Aminado si Ignacio na hirap sila sa ngayon at ‘challenging’ ang aid distribution kaya naman nakikipagugnayan na raw sila sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA para mailatag ang mga hakbang sa mas mabilis na pamamahagi ng tulong.

Maliban pa rito, kinumpirma rin ni Ignacio na mayroon nang 10 mga Pilipino ang nagpositibo na rin sa nakahahawang virus.
Sa pagtataya aniya ng mga eksperto sa China, posibleng sa kalagitnaan pa ng Mayo magluluwag ang lockdown sa Shanghai.
#