Sa pinaigting na cyber patrolling ng NBI, anim na Chinese at apat na Pinoy na sangkot sa human trafficking ang kanilang naaresto sa Pasay City.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nag-ugat ang kanilang operasyon matapos madiskubre na may nag-ooperate na isang organisadong human trafficking network sa Shore Residences, Pasay City.
Nadiskubre ng mga operatiba na gumagamit ang grupo ng iba’t ibang teknolohiya gaya ng social media, online platforms, generative AI, encryption tools, at online marketplace para sa kanilang ilegal na sex trade.
Nakumpiska sa operasyon ang samu’t saring sex toys at nasagip ang nasa 27 Pinay na biktima ng human trafficking.
Mahaharap ang mga naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act of 2022, at Cybercrime Prevention Act of 2012.